4 na Payo Para Makaahon sa Utang Nang Mas Mabilis

Malapit nang matapos ang taon. Karamihan sa atin ay gustong salubungin ang 2019 nang masagana. Ayon din sa isang pamahiin, hindi raw magandang simulan ang bagong taon nang may utang. Naniniwala ka man sa mga pamahiiin o hindi, mas magiging magaan nga ang buhay kung wala kang iniisip na utang.

Kung naghahanap ka ng mga paraan upang makaahon sa utang bago matapos ang taong 2018, narito ang ilang mga payo para sayo:

Ilista ang Lahat ng Utang

Hindi naman maiiwasang magkaroon ng utang. May mga oras talagang nagigipit tayo at nangangailangan ng tulong pinansyal mula sa kamag-anak, kaibigan, kapitbahay, o banko. Responsibilidad nating bayaran ang ating mga nahiram na pera sa lalong madaling panahon.

Ang siste, marami sa atin ang isinasantabi ang utang — lalo pa’t hindi naman sinisingil. Pero habang pinapatagal mo ang utang, patuloy kang hindi makakaahon at posible pa itong lumaki kung may interes.

Kaya’t ilista mo lahat ng inutangan mo at kung magkano ang hiniram mo sa bawat isa. Ang kabuuang halaga ng utang ang siyang magiging layunin o target mong bayaran sa lalong madaling panahon. Ito ang magiging gabay mo para unti-unting makaahon sa pagkakautang.

Bawasan ang Utang Kada Suweldo

Marami sa atin ang kung kailang tumaas ang sahod, doon pa tumaas ang halaga ng utang. Minsan kasi ay nabubulag tayo sa dagdag na kita, akala natin ay sapat ito para gumastos nang mas malaki kaysa dati. Nauuwi ang pagtaas ng konsumo sa pagkakaroon ng utang sa credit card at iba pang mga lender.

Mahalaga na matuto tayong magbawas ng utang bago gumastos. Tingnan ang listahan at umpisahang bayaran ang mga maliliit na utang o ‘yung may mga interes. Kada suweldo, ilaan ang 10 o 20% nito pambayad ng mga utang nang sa gayon ay unti-unting umikli ang iyong listahan. Sa ganitong paraan, mababawasan din ang bigat o stress na iyong dinadala araw-araw.

Huwag Nang Manghiram ng Pera

Habang nagbabayad ka ng utang kada suweldo, pigilan mo ang sariling manghiram pa ng pera sa iba. Bawasan din ang mga luho para magkasya ang kinikita. Kung dati’y panay ang kain mo sa mga restawran sa labas, ngayo’y ugaliin mo ng mamalengke at magluto. Hindi ka lang makakatipid, mas magiging masustansya pa ang pagkain mo at ng pamilya mo.

Kung dati’y ipinangungutang mo ang panghanda sa bawat okasyon sa pamilya, ngayo’y matutong makuntento at pagkasyahin ang kung anong meron ka. Hindi kailangan ng magarbong handaan para lang pahangain ang mga kapitbahay o mga kaibigan at kamag-anak sa Facebook.

Maghanap ng Karagdagang Kita

Kung may ilang oras kang libre sa isang araw, gamitin mo ito sa produktibong paraan. Sa halip na mag-scroll nang ilang oras sa Facebook, maaari kang kumuha ng sideline pangalawang trabaho online. Puwede kang maging part-time online English tutor kung mahusay ka sa lenggwaheng Ingles. Maaari ka ring magtayo ng online shop para magbenta ng mga damit, pagkain, o iba pang kalakal. Sa paghahanap ng karagdagang kita, mas magiging madali ang pagbabayad ng utang kada kinsenas at katapusan.

Kapag natapos mo nang bayaran ang lahat ng utang mo, gawin mo ng simple ang pamumuhay. Hindi naman kailangang laging sunod sa uso ang mga damit at gadget mo. Hindi rin kailangang gumastos nang gumastos para makasabay sa luho ng mga kaibigan at kamag-anak.

Magsimulang mamuhay nang kapantay o mas mababa sa kinikita para hindi na kailanman mabaon muli sa utang. Mas mainam na ilaan ang anumang sobrang kita sa investment, savings, o negosyo nang sa gayon ay maging magaan at masagana ang pagsalubong mo sa bagong taon.

Scroll to Top