Bakit Nga Ba Laging Traffic sa Pilipinas?

Traffic na naman. Yung byahe na pwede naman sanang labinlimang minuto lamang ay umaabot ng isa’t kahalating oras. Kung mas mamalasin ka pa, tila isang bangungot na pwedeng abutin ng dalawang oras o higit pa ang byahe mo papasok sa eskwela o trabaho. Ganito ang pinagdadaanan ng milyun-milyong Pilipino araw-araw, lalo na yung mga nasa bumabyahe sa siyudad.

Bakit nga ba malala (o mas lumalala) pa ang problema sa trapiko dito sa ating bansa?

Kung magtatanong tanong ka, sari-saring sagot ang iyong makukuha. Ilan dito ay ang problema natin sa imprastraktura at urban planning, mabilis na paglaki ng populasyon, at patuloy na pagdami ng pambuliko at pribadong sasakyan.

Ngayon ay ating pag-aralan ang isa sa mga dahilan ng mabigat na daloy ng trapiko — ang paglago ng bilang ng mga pribadong sasakyan.

Bakit Maraming Bumibili ng Sasakyan

Marahil ay napapansin mo na kaliwa’t kanan ngayon ang mga anunsyo o patalastas tungkol sa mabilis at madaling paraan ng pagbili ng sasakyan. Sa pintuan pa lamang ng mga sikat na shopping mall ay makikita mo na ang display ng mga magagarang kotse na parang hinahatak ka papalapit. Kanya-kanyang pakulo ang mga kumpanya; mayroong zero percent down payment, P50,000.00 all in down payment, flexible loan terms, libreng registration o insurance, at kung anu-ano pa.

At dahil mas nagmumukhang abot-kaya at abot-kamay ang pagbili ng sasakyan, nakukumbinsi ang karamihan na bumili.

Sino bang hihindi sa isang deal na maaaring makapagbigay sa iyo at sa iyong pamilya nang kasiyahan dahil isa ito sa mga pinapangarap mong makamtan? Sino nga bang hindi matutuwa kung makukuha mo nang mas mabilis ang iyong pinapangarap na sasakyan?

Bakit Dapat Mag-Ingat

Subalit kailangang mag-ingat sapagkat ang ganitong mga programa ay hindi basta basta. Nakatali ka sa isang commitment na aabot ng isa, tatlo, o limang taon. Di tulad sa iba mong mga pinagkakautangan, hindi mo maaaring sabihin na “Pasensya na, pass muna; wala akong pera”.

Bago pumirma sa ganitong kasunduan, dapat ay nakuwenta mo na ang iyong gastusin sa bawat buwan. Dapat mo ring isipin na hindi lang monthly amortization o buwanang hulog ang dapat mong paghandaan. Kailangan din ng karagdagang budget para sa gasolina, insurance, maintenance, at iba pang gastusin na may kinalaman sa pagmamay-ari ng sasakyan.

Dapat ding siguruhin na kaya mo itong bayaran kahit pa mawalan ka bigla ng trabaho. Alamin kung may sapat kang ipon o ibang pagkukunan ng ‘income’ kung sakaling dumating ang araw na ito. Kung hindi ay maaaring ma-repossess ang iyong sasakyan at walang babalik sayo kahit piso.

Mga Posibleng Solusyon

Nitong taon lamang ay inilahad ng senado ang planong pagpaplantsa ng mga detalye ng isang batas na maaaring makatulong sa paglutas ng matinding traffic congestion sa mga pangunahing lansangan sa bansa. Ang Senate Bill No. 201 o Proof-of-Parking Space Act ay naglalayong mabawasan ang bilang ng pribadong sasakyan sa lansangan sa pamamagitan ng paghingi ng katunayan na may parking space ang mga bumibili ng sasakyan.

Simple lamang naman ang gustong mangyari ng mga mambabatas: Kung wala kang garahe o parking space e huwag ka na munang bumili ng sasakyan sapagkat makakadagdag ka lamang sa problema ng bansa pagdating sa trapiko.

Kung sa tingin mo naman ay mas mainam o mas madali para sa iyo ang mag-commute gamit ang mga pampublikong sasakyan gaya ng bus, jeepney, LRT, o MRT, mas mabuting pigilan ang sarili sa pagbili ng gusto mong modelo ng sasakyan. Ilaan na lamang ang pera sa iyong savings account. Maaaring may mas tamang panahon para ikaw ay bumili. Malay mo, nakatadhana pala na ikaw ay tumira sa isang subdivision sa bayan na di kalayuan sa siyudad sa hinaharap. Dito ay mas mainam na mayroon kang sariling sasakyan.

Ang paglutas sa problema sa trapiko ay hindi madali. Ito ay isang mahabang proseso na nangangailangan ng disiplina at pakikiisa ng mga mamamayan. Makakatulong ka sa maliit na paraan tulad ng pagtangkilik sa pampublikong transportasyon, pagsali sa carpooling, o hindi pagdadala ng sasakyan kung malapit lamang naman ang iyong pupuntahan. Maaaring ipagpaliban ang pagbili mo ng sasakyan at gamitin ang pera sa iba pang mahahahalang bagay tulad ng negosyo, kung saan maaaring lumago ang iyong ipinuhunan.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *