Saan Aabot ang 13th Month Pay Mo?

Sabi ng marami, malas daw ang numero 13. Pero para sa maraming empleyado, suwerte ang dala ng numerong ito lalo na’t palapit na nang palapit ang pagtatapos ng taon at matatanggap na nila ang pinakahihintay na 13th month pay.

Karamihan sa mga nag-aabang ng 13th month pay ay nagpaplano na kung papaano gagastusin ang mandatory bonus na ito. May ilang naglilista na ng mga ireregalo sa kanilang mga inaanak. Ang iba naman ay nagtitingin-tingin na ng mga bagong gadget o appliance na bibilhin bilang reward sa sarili sa isang taong pagtatrabaho.

Bukod sa pagbili ng mga materyal na bagay, marami pang pwedeng paggamitan ng bonus mo. Kung wala ka pang balak para sa 13th month pay mo, heto ang ilan sa mga wais na paraan para gastusin ito:

Magbawas ng Utang

Kung marami-rami na ang iyong utang, gamitin ang 13th month pay para bayaran o bawasan ang mga ito. Siguradong bababa ang interes kung ang iyong utang ay sa credit card at mapapabilis naman ang repayment mo kung ang bonus mo’y ilalaan sa pambayad sa loan sa banko. Kapag naubos o bumaba na ang iyong utang, siguradong magiging mas malaya ang paggasta sa 13th month pay mo sa mga susunod na taon dahil wala ka nang iisiping obligasyon sa iyong pinagkakautangan.

Maglaan ng Emergency Fund

Totoong mahirap maglaan ng sobrang pera para sa emergency fund lalo na’t tumataas ang bilihin at kabi-kabila ang mga gastusin. Kaya naman ngayong makatatangap ka ng 13th month pay, sulitin mo na ang pagkakataon upang simulan ang pagbuo ng emergency fund.

Magbukas ng isa pang savings account sa banko para sa iyong emergency fund at ilagak dito ang kalahati o kahit 30% ng iyong bonus. Para sa panahon ng kalamidad o biglaang pagkakasakit ng sinuman sa iyong pamilya, mayroon kang mahuhugot na pera at hindi na kakailanganin pang umutang.

Bumili ng Insurance Policy

Ang pagbili ng insurance ang isa sa mga pinakamagandang pagkagastusan bago matapos ang taon. ‘Di tulad ng bagong smartphone o mga damit, ang insurance ay maaaring makatulong sa iyo o sa iyong pamilya sa panahon ng biglaang pagkakasakit o pagkatanggal sa trabaho. Ito ang pupuno sa buwanang gastusin hanggang sa makabangon kang muli at magkaroon ng maayos na pagkakakitaan.

Magsimula ng Maliit na Negosyo

Kung pangarap mong magkaroon ng sariling negosyo, marahil ang 13th month pay mo ang susi para matupad ito. Ilaan ang iyong bonus sa pagsisimula ng maliit na negosyo. Maaari na itong maging kapital para sa isang sari-sari store, maliit na restawran, o online shop. Kung mayroon ka ng negosyo, gamitin ang bonus para palaguin ito; magdagdag ka ng produkto o magtayo ka ng isa pang branch ng iyong tindahan.

Palaguin ang Sarili

Hindi naman kailangang puro palabas ang pera ngayong Pasko — pagkagastusan mo rin ang iyong sarili. Gamitin ang bonus pang-enroll sa mga certificate courses o seminar na kapupulutan mo ng bagong skills. Maaari pang tumaas ang posisyon mo sa trabaho o magkaroon ng ibang pagkakakitaan dahil dito.

Sa kabi-kabilang sale sa mga mall at pati na rin sa Internet, madaling mauubos ang iyong 13th month pay kung hindi ka magiging wais at responsable sa paggasta nito. Kaya’t bago mo ito matanggap, planuhin mo nang maayos ang paggastos nang malayo ang maabot ng iyong pinaghirapang taunang bonus sa trabaho.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *