Mga Kaugaliang Pinoy sa Paggasta na Dapat Baguhin

Share on facebook
Share on google
Share on twitter
Share on linkedin

Maraming kaugaliang Pinoy ang sadyang maipagmamalaki natin. Katulad na lamang ng pagiging marespeto natin sa mga nakatatanda at pagiging magiliw natin sa mga bisita. Pero pagdating sa paggasta, may mga kaugalian tayong dapat na nating baguhin.

Heto ang ilan sa mga iyon:

‘Bahala na si Batman’

Papaano na ang matrikula ng anak mo sa kolehiyo? Bahala na si Batman. Papaano na ang budget sa susunod na buwan gayong bumili ka ng mga damit sa month-end sale ng SM? Bahala na si Batman.

Ang pahayag na ‘Bahala na si Batman’ ay madalas nating naririnig mula sa mga taong walang tiyak na plano para sa hinaharap. Pero pagdating sa usaping pera, hindi puwedeng iasa na lang natin ang lahat sa isang karakter sa komiks o pelikula. Hindi naman darating si Batman na may limpak-limpak na salapi kapag may naospital na miyembro ng iyong pamilya. Hindi rin naman siya magpapakita kapag bayaran na ng matrikula sa eskwela.

Mas mainam na maging handa tayo sa hinaharap — lalo na kung nakasalalay dito ang kaginhawaan ng ating pamilya. Matutong mag-ipon ngayon para sa mga posibleng gastusin sa susunod na buwan o taon.

Mañana Habit

“Saka na lang ako mag-iipon para sa retirement. Bahala na si Batman.”

Kakabit ng ‘Bahala na si Batman’ attitude ang mañana habit. Alam naman nating dapat tayong mag-ipon para sa mga posible at biglaang gastusin sa hinaharap. Ngunit madalas ay isinasantabi natin ito at ‘di natin namamalayan na lumipas na pala ang mga taon.

Ang mabisang panlaban sa mañana habit ay disiplina. Kung gusto mong maging maginhawa ang iyong pagtanda, ngayon pa lamang ay magtabi ka na ng pera buwan-buwan para sa iyong retirement years. Mahirap mag-ipon para rito kapag iilang taon na lamang ang natitira para makapagtrabaho’t kumita ka.

One-Day Millionaire

Siguro dahil sa hirap ng buhay, naging kaugalian na nating magdiwang tuwing nakakaluwag-luwag. Dadalhin ang buong pamilya sa mall tuwing araw ng suweldo o di kaya’y bibilhin ang lahat ng makita sa online shop ‘pag hawak na ang 13th month pay. Kahit sa isang araw lang, nagbubuhay milyonaryo tayo.

Wala namang masama sa pagre-reward sa sarili’t pamilya matapos ang dalawang linggong pagpapagod sa trabaho. Ang problema nga lang sa pagiging one-day millionaire ay nawawalan tayo ng disiplina para hawakan at gastusin nang mas maayos ang ating kinikita. Madalas, ang resulta nito ay kawalan ng kakayahang mag-ipon o pangungutang para magkaroon ng perang gagastusin sa mga pangangailangan.

Pakikisama at Panlilibre

“Graduation pala ng anak mo. Painom ka naman!”

“Pakain ka naman sa birthday mo.”

“Na­-promote ka pala. Libre naman diyan!”

Naging kaugalian na nating mga Pinoy ang magdiwang nang masagana ‘pag may okasyon — kahit walang sapat na pera. Minsan pa nga’y ipinapangutang pa natin ang panghanda sa okasyon para lang hindi mapahiya sa mga kamag-anak at bisita. Pagdating sa mga kantyaw ng ‘libre’, nahihiya tayong tumanggi sa takot na mabansagang kuripot at walang pakisama.

Kung gusto mong makaipon at umunlad, matutong humindi sa mga kantyaw ng mga kaibigan at kamag-anak sa tuwing may magandang pangyayari o milestone sa buhay mo. Maaari namang magdiwang nang hindi nangungutang o gumagasta nang malaki. Manlibre at maghanda lamang kung kaya ng bulsa.

Inggit sa Kapwa

Nakakalungkot man pero maraming Pilipino ang gumagasta dahil sa inggit sa kapwa. Mas tumindi pa ito ngayon na halos lahat ng kinainan, pinuntahan, o biniling bagong gamit ay ipino-post sa social media. Hindi ka dapat gumasta dahil lang sa gusto mong makipagsabayan sa iyong mga katrabaho o kamag-anak. ‘Wag mainggit sa mga mamahaling gadget sa nakita mong post ng iyong kaibigan sa Facebook.

Bagkus, tingnan ang iyong pangangailangan. Matutong mamuhay nang tapat o mas mababa sa kinikita nang sa gayon ay makapag-ipon at maging handa sa mga posibleng gastusin sa hinaharap.

Dahil nakasanayan na natin ang mga ugaling ito, mahirap para sa marami sa atin ang baguhin ang mga ito. Pero para sa mas masaganang buhay, kailangan nating maging mas wais sa pera. Laging tandaan, ang kinabukasan mo at ng iyong pamilya ay nakasalalay sa kung paano ka magdesisyon o gumasta ngayon.

Scroll to Top