Swerte o Sipag at Tamang Pananaw: Ano Nga Ba ang Susi sa Pagyaman?

Nung mga bata pa tayo, lagi tayong tinatanong kung anong gusto nating maging paglaki natin. Naaalala mo ba kung anong sagot mo? Marahil ito ay isa sa mga sumusunod: titser, doktor, nars, pulis, piloto, o abogado. Ilan lamang yan sa madalas na sagot ng mga bata magpahanggang ngayon.

Bakit kaya mabibilang lamang sa mga daliri sa kamay ang ga batang sumasagot na gusto nilang maging negosyante? Minsan nga ay wala pa.

Simple lang naman ang sagot — dahil lumaki tayo sa pangaral na dapat tayong mag-aral nang mabuti para makahanap ng magandang trabaho sa hinaharap. At dahil sa paulit-ulit natin itong naririnig, ito na ang naging gabay natin sa pang-araw araw nating buhay.

Ayon sa datos ng Forbes, ang pinakamayang tao sa Pilipinas ay isang Chinoy o Filipino-Chinese. Kung mas sisiyasatin mo ang listahan ay mapapansin mong walo sa unang sampung mayayaman ay hindi purong Pilipino (pitong Chinoy at isang may lahing Kastila).

Nagkataon Nga Lang Ba?

Bakit kaya maraming Filipino-Chinese na mayayaman?

Ang mga kabataang Chinoy ay lumaki sa pangaral na dapat silang mag-aral nang mabuti upang makapagsimula na silang magtayo ng sarili nilang negosyo kapag nakatapos na sila, o kaya naman ay ipagpatuloy ang nasimulan ng kanilang mga magulang at kamag-anak upang dumami pa ang kanilang pera. Ang pananaw na ito ay nadadala na nila sa kanilang pagtanda at naipapasa sa kanilang mga anak at apo. Ito ang dahilan kung bakit maraming mayayamang negosyanteng may dugong banyaga sa ating bansa.

Kung tutuusin, mukhang simple lang naman, hindi ba? Ngunit ang mga ganitong ideolohiya ay nagbubunga ng maraming oportunidad sa isang tao.

Magkaibang Pananaw

Marahil ay madali lamang sabihin na “mag-aral at magtayo ng negosyo pagka-graduate”, ngunit mahirap naman itong gawin, lalo na para sa mga Pilipinong itinuturing ang kanilang sariling mahihirap. Subalit iba na ang panahon ngayon. Marami nang oportunidad ang nagbubukas araw-araw — oportunidad na pwede mong gamitin upang makapagsimula ng maliit na negosyo.

Ayon sa mga eksperto, mahalaga ang magandang impluwensya ng mga magulang at kapaligiran sa mga bata dahil ito ang tumutulong sa kanila upang matuklasan kung paano mapapaunlad ang kanilang sarili. Dala ng kahirapan, marami pa ring mga magulang ang hinihikayat ang kanilang mga anak na mag-aral nang mabuti nang sa gayon ay makahanap ng magandang trabaho at makatulong sa pamilya.

Hindi naman masama ang ganitong pananaw o mindset; maganda ang hangarin ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ngunit ang pananaw ding ito ang nagiging hadlang sa pag-asenso ng mga kabataan. At hangga’t ganito pa rin pinapalaki ng mga Pilipino ang kanilang mga anak, baka kakaunting pinoy pa rin ang magtagumpay at yumaman sa hinaharap.

Ang solusyon ay nasa kamay ng kasalukuyang henerasyon ng mga magulang at kabataan. Panahon na upang umpisahan nating pag-isipan kung paano iibahin ang ating pananaw sa pera o negosyo. Ang pagbabagong minimithi ay nagsisimula sa sarili. Mas mainam na turuan ang ating mga anak na maging masinop at mag-impok ng perang maaari nilang magamit sa pagsisimula ng maliit na negosyo. Kung hindi man agad makapag-umpisa dahil kapos pa sa puhunan at experience, magagamit nila ang mga katangiang natutunan nila sa mga magulang upang maging madiskarte sa paghahanap ng mabuting pagkakakitaan o magandang business idea.

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *